ITO ay kuwento ng iisang daan na ating tinatahak…
Noong unang panahon, mayroong mga elepante na naghahanap ng lugar para maging permanenteng tirahan na sagana para sa kanilang pangangailangan. Tinahak nila ang masusukal at mapuputik na lugar. Sa kanilang paglalakad, at dahil literal na malaki ang elepante, nasisira ang mga puno at halaman na kanilang dinadaanan hanggang sa hindi nila namalayan na nakabubuo sila ng daanan
Nakita ng ibang hayop ang daanang aksidenteng nagawa ng mga elepante kaya naman, tinahak din nila ang daan na iyon hangang sa sumunod pa ang iba’t ibang uri ng hayop ng dumaan din sa daanan na iyon.
Sa tagal ng panahong lumipas, mayroong mga taong naligaw sa daanan na nagawa ng mga elepante, na tinahak din ng iba’t ibang uri ng hayop, at dahil mayroon ngang daanan, doon na rin naglakad ang mga tao.
Sa paglalakad ng mga tao na daanang iyon, nagrereklamo sila kasi maputik at maraming sira-sirang kahoy sa kanilang dinadaanan pero nagpatuloy pa rin sila sa paglalakad.
Sa paglipas ng mahabang panahon, nakabuo ng isang komunidad sa dating gubat na iyon pero walang nabago sa daanan – nagrereklamo na sila kasi sa dami na ng mga tao sa kanilang lugar, iyon pa rin ‘yung daanan nila.
Minsang mayroong naligaw na tao sa komunidad na iyon na iisa lang ang daan. Napansin niya ang mga hinaing mga tao kaya napaisip siya: “Bakit kaya sila nagtitiis sa daanan na iyon? Bakit hindi sila gumawa ng ibang daan?”
Aminin natin na gusto natin ng pagbabago sa buhay pero dahil nasanay tayo sa isang daan na tinatahak, malamang, wala ring pagbabago sa buhay natin.
Isang masakit na halimbawa ay ang pagiging empleyado, hindi natin minamasama o minamaliit ang pagiging empleyado pero kung pag-aaralan nating mabuti, ang pagiging empleyado ay katulad din nung mga tao na mayroon lang iisang daan, matagal ang progreso – marami din ang nakukuntento sa pagiging empleyado at nirerespeto natin ito.
Pero sa mga naghahangad ng malaking pagbabago sa buhay, puwede naman pagsabayin ang pagiging empleyado habang mayroong kang pinamamahalaang maliit na negosyo.
Ang importante dito, gumagawa ka ng ibang daan para matupad mo ang pangarap mo sa buhay. Magsimula sa maliit na negosyo.